Alaala sa Isang Ina
This is an excerpt from my unfinished book.
2:30 am, May 8, 2002 Naalimpungatan ako sa mga malalakas na kaluskos sa sala na halos katabi lamang ng bukas kong kwarto. Ginagawa ang bahay namin nuon kaya naman si Nanay at si Papa ay halinhinan sa paghiga sa sira naming sopa at sa malamig na sahig. Nakita kong nasa loob ng bahay ang Lola, si Kad, si Papa, at ang kapatid kong si Eson. Sa sopa, namataan kong nakahiga si Nanay habang habol habol ang kanyang hininga. Nanlilimahid ang suot nitong sirang daster at may mga galos sa kanyang kanang binti. "Bakit?". Yun agad ang lumabas na mga salita sa bibig ko. Ngunit walang sumagot sa kanilang lahat. Pilit pa ring hinahabol ni Nanay ang kanyang hininga habang ang Lola ay tuloy sa pagpapaypay at pagmasahe sa dibdib nito. "Nay ang mga anak ko wag nyong pababayaan..." Natigilan ako. Natulala. "Bakit?" sambit kong muli sa aking sarili. Di ko malaman kung ano ba ang dapat kong gawin. Dali-daling lumabas ang kapatid ko para humanap ng tricycle sa labasan nang madala na ang Nanay sa ospital. Lambot at pikit pa din ang mga mata nang buhatin ni Papa at Kad pasakay sa tricycle ang Nanay. Habang binabagtas namin ang madilim at sukal na daan, pilit kinakausap ni Eson ang Nanay...ngunit wala itong imik habang nakatungkod ang ulo sa balikat ng aking kapatid. Tulala at tahimik naman akong nakaangkas sa likod ng sasakyan. 3:00 am, Sa Ospital Pampubliko ng Santa Rosa Mabilis ang takbo ng aming sinasakyang tricycle ngunit mabagal at pata ang pakiramdam ko ng mga sandaling iyon. Papasok pa lang sa gate ng ospital ay agad na kaming dumiretso sa ER. Pero sarado ang lintek na pinto kaya naman binuhat pa naming muli si Nanay sa may kalayuan ding kabilang pintuan. Sa dulong bahagi ng kwarto inilagak ang halos lamog na nyang katawan. Wala na siyang malay nang idating namin sa ospital kaya naman CPR ang unang ginawa ng doktor sa kanya. Turok dito, turok doon. Maka-ilang beses ko ring nakita na nilampatan ng karayom ang kanyang braso. Walang tigil din ang pagbomba ng hangin sa kanyang bibig. Sa gitna ng pagsagip sa buhay ng Nanay, sandaling tumigil ang doktor at nag-abot ng maliit na papel. Nakasulat dito ang mga gamot na kailangang ipalit at bilhin habang ginagamot ang Nanay. Gusto kong bigwasan ang doktor na nasa harap ko pero alam kong hindi siya ang dahilan ng kakulangan sa sistema ng ospital. Dali-dali na lang akong humanap ng malapit na botika para mabili na ang mga gamot ni Nanay. Pero sandaang piso lang pala ang laman ang aking pitaka. Di ko rin alam kung may natitira pang laman ang aking ATM. Sa kabutihang palad, may limandaang piso pa. Halos unahan ko ang mga sasakyang kasabayan ko para makarating ng mabilis sa ospital. Natigil lamang ang pagtakbo ko ng marinig ko ang malakas na palahaw mula sa ospital. Lumakas lalo ang kabog nga aking dibdib. Bumigat rin ang yabag ng aking mga paa patungo sa pintuan ng ospital...Halos magkandarapa na ako sa pagpunta sa kwartong kinalalagakan ng aking ina. 3:41 ng umaga. Alam kong may sinasabi ang doktor habang ibinibigay ko ang mga gamot sa palad nya ngunit wala akong marinig kundi ang mabagal na pag-ikot ng electric fan sa kisame. Malakas rin ang pintig ng puso ko habang papalapit sa dulong bahagi ng kwartong aking pinasukan. Unti unti, minamanhid na din ng malamig na hangin ang aking pisngi na kanina pa humahampas sa nag-i-isangbukas na bintana. Nakita ko....si Eson...ang pinakamatatag sa pamilya, mahigpit na nakayakap sa hindi na gumagalaw na katawang nasa ibabaw ng higaan. Tahimik at hukot namang humihikbi sa di kalayuan ang Papa. Mabagal ang takbo ng oras ng mga sandaling iyon. Wala pa rin akong masyadong marinig. Nang marating ko ang higaan ng aking ina, napagmasdan ko ang kanyang kabuuan - marumi, maraming galos, kulubot ang kanyang mukha sa edad nyang apatnaput tatlo, hindi na humihinga. "Nay...Nay", gusto kong isiping sasagot siya sa akin. Kinabig ko ng kinabig ang kanyang mga braso. "Nay gising!" Dumadausdos na pala ang luha sa pisngi ko. "Gising!" sigaw ko habang pilit kong ginagalaw ang pata na nyang katwan pero wala akong nahita. Wala na. Wala na akong Nanay. Wala na ang ritmo ng pamilyang sadlak pa din sa hirap at ni wala pang nararating na ginhawa.1:00 pm, Sabado, May 13, 2002, Araw ng mga Ina
Malakas ang buhos ng ulan ngayong araw. Marahil nakikiramay ang panahon sa Inang nagbuhos rin ng di matatawarang gabay at kalinga sa kanyang mga anak, asawa at mga kapamilya. Araw nya to. Araw ng mga Ina. Araw nang hindi na muling siya'y makikita pa......
3 comments:
kaiyak...
missed her so much....
ang lungkot
Post a Comment